Friday, April 18, 2025

HomeHealthKalidad ng hangin sa Central Visayas, hindi apektado ng pagsabog ng Mt....

Kalidad ng hangin sa Central Visayas, hindi apektado ng pagsabog ng Mt. Kanlaon

Nanatiling nasa ligtas ang kalidad ng hangin sa rehiyon ng Central Visayas kahit matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon nitong Martes ng umaga, Abril 8, 2025, ayon sa ulat ng Environmental Management Bureau Region 7 (EMB 7).

Naitala ang pagsabog bandang alas-5:51 ng umaga na tumagal ng halos isang oras, at lumikha ng ash plume o ulap ng abo na umabot sa taas na 4,000 metro na tinangay ng hangin patungong timog-kanluran. Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang status ng bulkan.

Sa isinagawang pagsusuri ng EMB 7, lumabas na normal pa rin ang antas ng sulfur dioxide (SO2) at particulate matter (PM10 at PM2.5) sa kanilang mga monitoring stations sa Mabigo, Canlaon City sa Negros Oriental, gayundin sa Toledo City at Mandaue City sa Cebu.

Ang mga nasabing stations ay sumusukat ng mga pollutant na karaniwang ibinubuga tuwing may aktibidad ang bulkan. Ang monitoring station sa Mabigo ay tinatayang nasa 10 kilometro lamang ang layo mula sa bunganga ng Mt. Kanlaon at nasa 310 metro mula sa pinakamalapit na evacuation center, ang Macario Española School.

Bilang karagdagang hakbang, nagsagawa rin ng monitoring sa Toledo at Mandaue upang matiyak kung may epekto ba ang pagsabog sa mga kalapit na lugar sa labas ng Negros Island.

Ayon sa datos mula sa Barangay Mabigo, Toledo City, at Banilad sa Cebu City, ang direksyon ng hangin ay pawang papuntang timog-kanluran—na tugma sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na inaasahang Negros Occidental ang pangunahing maapektuhan ng ash fall.

Patuloy ang pagbabantay sa kalidad ng hangin sa rehiyon habang pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga nasa malalapit na lugar sa bulkan, na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga kinauukulan

Source: Sunstar

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]