Tuloy ang pagsisikap na ginagawa ng Police Regional Office 8, para sa katahimikan at kaayusan ng pagdaraos ng halalan ngayong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ngayong Oktubre.
Ito ngayon ang naging sagot ni Police Colonel Dionisio Apas Jr, Chief of Regional Community Affairs Development Division ng Police Regional Office 8 nang tanungin sa isang panayam sa kanya sa Kapehan with PIA, nitong Agosto 31, 2023.
Ito’y matapos matanong ang opisyal kaugnay sa kung ano nga ba ang ginagawang hakbang ng PNP upang malutas ang mga krimen sa Samar partikular ang mga sunod-sunod na patayang naitatala sa unang distrito.
Ayon pa kay PCol Apas, ginagawa ng Kapulisan ang lahat para matuldukan na ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng karagdagang pwersa o augmentation ng nasa 109 na karagdagang tauhan para sa Calbayog City.
Dagdag pa ng opisyal, tinututukan din nila ang imbestigasyon sa mga unresolved killings na aniya’y hindi pweding i-short-cut upang maiwasan umano ang pagbasura ng mga ito sa level ng piskalya.
Dagdag pa ni PCol Apas na nare-assigned narin ang mga pulis na may mga kapamilya na tumatakbo ngayon para sa BSKE upang maiwasan umano ang pagiging partisan ng mga ito.
Sa ngayon ay may 161 checkpoints sa buong rehiyon para masigurong magiging maayos at matiwasay ang filing ng COC na magtatapos ngayong Setyembre 2.