Mariing sinabi ng 20th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army na patuloy nilang susuportahan ang pamilya ng isang rebelde na namatay sa isang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno kamakailan sa Palapag, Northern Samar.
Ayon sa tagapagsalita ng 20th IB na si 2nd Lt. Joyce Ann Bayron, na binibisita nila ang pamilya lalo na ang burol ni Geronimo Javier, 31, isang miyembro ng komunistang grupo na New People’s Army (NPA) na nasawi sa isang engkwentro noong Mayo 25, 2022.
“Kami ay nangangako na magbibigay ng iba pang tulong sa naulilang pamilya upang magsimula ng panibago at mamuhay ng mapayapa na malayo sa mga kasinungalingan at panlilinlang ng mga teroristang NPA,” saad ni Bayron sa Philippine News Agency sa isang panayam sa telepono noong Lunes.
Ang militar at ang lokal na pamahalaan ay nagpaabot ng tulong pinansyal sa pamilya ni Javier at sinagot ang mga gastusin sa pagpapalibing.
Noong Hunyo 3, binigyan ng militar ng disenteng libing si Javier matapos ang isang linggong lamay sa bahay ng pamilya sa Cabariwan village sa bayan ng Palapag.
Agad na nakuha ng mga awtoridad ang bangkay ni Javier matapos ang engkwentro sa sampung armadong rebelde. Pagkatapos makilala, nakipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng barangay upang mapadali ang pagdala nito sa Palapag Rural Health Unit para sa post-mortem examination.
Sa tulong ng Lokal na pamahalaan ng Palapag, naihatid ang bangkay ni Javier sa kanyang pamilya.
“Nakakadurog ng puso na may buhay na nawala, alinman sa ating mga sundalo o ng mga kaaway. Ngunit ito ay mapipigilan kung sila ay nakinig sa aming panawagan na magbalik-loob at magpailalim sa mga kamay ng batas,” dagdag pa ni 20th IB Commander, Lt. Col. Joemar Buban.
Tinitingnan din ng Philippine Army ang paghahandog ng scholarship para sa dalawang anak ni Javier.
Si Javier ay miyembro ng Front Committee 15 ng NPA, ang grupong responsable sa pananakot, pagbabanta at mga aktibidad ng pangingikil sa ibat ibang lokalidad ng Northern Samar.
Ayon naman sa mga awtoridad, ang mataas na bilang ng kahirapan sa Northern Samar ay syang nagiging sanhi ng mga komunidad sa kabundukan na madaling malinlang at mapaniwala sa mga panghihikayat ng CPP-NPA-NDF.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1175952