Thursday, May 22, 2025

HomeNewsIsang kompanyang nasa Kasambagan, temporaryong ipinasara dahil sa umano'y Scam Operations

Isang kompanyang nasa Kasambagan, temporaryong ipinasara dahil sa umano’y Scam Operations

CEBU CITY — Isang kompanyang matatagpuan sa Barangay Kasambagan ang pansamantalang ipinasara ng mga otoridad matapos umanong madawit sa scam operations na ang target ay mga banyaga.

Ang BMJ Data Processing Services ay isinailalim sa operasyon ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) nitong Martes ng hapon, Mayo 20, 2025, matapos itong mabuking ng isang foreign hacker na naglabas ng video sa YouTube kaugnay sa umano’y ilegal na gawain ng kumpanya.

Ayon sa BPLO, lumabag ang nasabing kompanya sa tatlong patakaran: (1) operasyon nang walang aprubadong Mayor’s Business Permit, (2) hindi pag-renew ng kanilang permit, at (3) hindi pag-display ng permit sa kanilang opisina.

Isinagawa ang operasyon katuwang ang Police Regional Office 7, Cebu City Police Office (CCPO), Criminal Investigation and Detection Group-Cebu City Field Unit, at ang Regional Anti-Cyber Crime Unit (RACU) 7.

Nang dumating ang mga awtoridad sa lugar, wala umanong empleyado sa loob ng opisina — tanging mga computer at kagamitan ang naiwan. Ayon kay Cebu City Police Office City Director Police Colonel Enrico Figueroa, agad niyang tinawagan ang isang babae na nagpakilalang supervisor at responsable sa sub-lease ng lugar. Nakiusap ito na makikipagtulungan ang kanilang kampo sa pamamagitan ng kanilang mga abogado.

Ipinunto ng naturang babae na hindi sila ang may-ari ng gusali at sila lamang ay umuupa sa naturang lugar. Iginiit din niyang hindi umano nila alam ang tungkol sa sinasabing scam operations.

Ngunit sa paunang imbestigasyon, may isa pang tenant na nagsabing kahina-hinala na raw talaga ang kilos ng mga tao sa opisina. 

“Ito daw ay nagduda sila sa umpisa palang dahil hindi daw siya normal dahil maingay daw dito sa loob, maraming nag hihiyawan maraming tugtogan so parang hindi siya legit na office,”  pahayag ni Figueroa.

Ayon sa mga awtoridad, itinigil na umano ng BMJ ang operasyon nito noong Lunes, Mayo 19, matapos itong maging viral sa social media.

Plano ngayon ng RACU 7 na kumuha ng search warrant para masuri ang mga computer sa lugar at tukuyin kung anong uri ng cybercrime ang posibleng isinagawa. Ang resulta ng pagsusuri ang magiging batayan sa pagsasampa ng kaso.

Sinabi naman ni PRO 7 Regional Director Police Brigadier General Redrico Maranan na mayroon na silang listahan ng mga empleyado ng kompanya at sisimulan na nila ang paghahanap sa mga ito.

“So we will look for all the employees who were here… that’s why we are giving them a chance to clear their names. If they had no involvement, they should go to the Cebu City Police Office and explain their side there,”  babala ni Maranan.

Samantala, dalawang establisyimento sa Cebu City ang agad na naglabas ng pahayag na wala silang kinalaman sa naturang operasyon.

Ang Skyrise 1, na may-ari ng gusaling dati umanong inupahan ng BMJ sa IT Park, Barangay Apas, ay naglabas ng opisyal na pahayag sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na MN Law. Anila, matapos ang internal investigation, lumabas na hindi naging tenant ng Skyrise ang naturang grupo.

Sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na MN Law, sinabi ng Skyrise 1 na base sa isinagawa nilang internal na imbestigasyon, napatunayang ang mga taong sangkot ay hindi kailanman naging tenant sa alinmang property ng Skyrise.

“Skyrise implements stringent due diligence procedures in the vetting, approval, and monitoring of all its tenants to ensure a safe, lawful, and reputable business environment within its premises,” ayon sa bahagi ng opisyal na pahayag.

Samantala, itinanggi naman ng Garden of Envy, isang restobar na matatagpuan sa parehong mixed-use building kung saan umano nag-ooperate ang scam hub, ang anumang koneksyon sa naturang operasyon. Anila, “hindi makatarungan” ang pagkakadawit ng kanilang establisyemento sa isyu.

Source: AYB, DPC/Sunstar

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]