Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Caluya sa lalawigan ng Antique dahil sa oil spill na dulot ng lumubog na motor tanker na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro kamakailan lamang.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Caluya, nasa tatlong barangay na sa isla ang naapektuhan ng nasabing oil spill. Kabilang na rito ang mga dalampasigan ng Sitio Sabang sa Barangay Tinogboc; Toong, Banua Proper, at Sitio Balibao sa Barangay Semirara; at Sitio Liwagao sa Barangay Sibolo.
Sa inilabas namang datos ng Coast Guard District Western Visayas (CGDWV), tinatayang nasa 6,298 pamilya na binubuo ng nasa 22,020 indibidwal ang lubos na maapektuhan sa nasabing insidente, partikular na dito ang lahat ng mga mangingisda ng nasabing bayan.
Samantala nakatakda namang magpadala ang Iloilo City government ng mga personal protective equipment (PPEs), gaya ng masks, gloves, hazmats, face shields, at mga goggle para sa bayan ng Caluya at ng Philippine Coast Guard upang magamit para sa isasagawang mga cleanup operation.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan ng Caluya sa national government sa agarang aksyon at suporta para sa mga apektadong residente nito upang mapagtagumpayan ang nasabing hamon na kanilang kinakaharap.