Nakatakdang dumaong sa Kalanggaman Island ang isa pang international cruise ship sa Palompon, Leyte sa darating na Nobyembre 2023.
Ayon sa Information Officer na si Raoul Bacalla, ngayon pa lamang ay inihahanda na nila ang isla para sa pagbisita ng “Coral Adventure” na isang Australian-Based Cruise Ship.
Sinabi ni Bacalla na nagsisilbi rin bilang Municipal Environmental and Natural Resources Officer, na nasasabik na sila sa pagdating ng international cruise ship na inaasahang may sakay na mahigit isandaan at dalawampung mga dayuhang bisita.
Bilang bahagi ng paghahanda, ang isla na kilala sa maputi at pinong sandbars at malinaw na katubigan ay magkakaroon ng isang linggong clean-up ngayong buwan ng Setyembre at tatayuan din ng karagdagang cottages.