Inilunsad ngayong taon ng lokal na pamahalaan ng Iloilo katuwang ang Iloilo Festival Foundation Inc. (IFF) ang opisyal na 200-pahinang art book na tinaguriang “Art in the Heart of the Philippines,” isang catalog ng mga local artist na may layuning ipakilala sa madla ang iba’t ibang Ilonggo art scenes at visual arts.
Ang naturang libro ay naglalaman ng 200 artworks ng 180 Ilonggo artists mula sa 13 art groups at independent artists sa lungsod ng Iloilo.
Ayon pa ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, nais nilang ipakilala ang iba’t ibang visual artists sa lungsod, sa tulong ng Iloilo Festivals Foundation, dahil sa kontribusyon nila lalo na sa Dinagyang festival at iba pang festival sa lokalidad.
Ang naturang art initiative ay naglalayong panatilihin at bigyang halaga ang mga kakayahan ng lahat ng local artist upang pagyamanin ang kultura at tradisyon ng mga Ilonggo. Bahagi rin ito sa layuning gawin ang lungsod bilang Arts Capital of the Philippines.