Tinatayang nasa higit 5,000 bakanteng trabaho ang pwedeng puntahan ng mga tech-voc at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) graduate sa buong lalawigan ng Negros Occidental, yan ang pahayag ng TESDA kasabay ng pagdaraos nito ng National Tech-Voc Day at TESDA 29th Anniversary ng lalawigan na gaganapin sa Ayala Malls Capitol Central sa darating na Agusto 25.
Ayon sa TESDA, nasa 24 local at overseas employers kasama ang iba pang mga national government agencies and tutulong sa mga aplikante bilang bahagi ng World Café of Opportunities (WCO).
Inanyayahan naman ni Niña Connie Dodd, TESDA-Negros Occidental Provincial Director, ang lahat ng mga naghahanap ng trabaho lalo na ang mga TESDA graduate na makibahagi na rin sa WCO.
Anya, ginagawa ng kanilang opisina ang lahat ng kanilang makakaya upang pagsamahin ang iba’t ibang employer sa iisang lugar, na kinakailangan ng mga aplikante para makahanap ng magandang trabaho.
Para naman sa mga job fair, nakipagtulungan na ang TESDA sa provincial Public Employment Service Office o PESO, National Bureau of Investigation, Philippine Health Insurance Corp., Social Security System, Land Bank of the Philippines, at ng Department of Trade and Industry.
Inaasahan naman ang mga aplikante na magsumite muna ng pre-registration sa pamamagitan ng http://bit.ly/45xiP2U o i-scan ang QR (quick response) code na makikita rin sa Facebook page ng TESDA Region 6 (Western Visayas) o sa PESO Negros Occidental.