Mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,970,000 ang nakumpiska sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 7) sa bulubunduking bahagi ng Cebu City sa barangay ng Pulangbato alas-5:15 ng hapon noong Lunes, Hulyo 24, 2023.
Ang anti-illegal drug operation ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Jundam Dacalos, 37, residente ng Sitio San Vicente, Barangay Bulacao, Cebu City.
Nakuha sa kanya ang 26 na malalaking pakete ng umano’y shabu na may kabuuang bigat na 1,025 gramo at nagkakahalaga ng P6,970,000, bust-bust money, isang cellphone at isang weighing scale.
Ayon kay PDEA 7 Information Officer Leia Alcantara, isang linggo nilang isinailalim si Dacalos sa case build-up matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanilang mapagkakatiwalaang source tungkol sa pagkakasangkot nito sa aktibidad ng ilegal na droga.
Nabatid na si Dacalos ay maaaring mag-dispose ng nasa 500 hanggang 1,000 gramo ng ilegal na droga kada linggo.