Tinatayang nasa halos 4,000 katao ang nakatanggap ng cash, groceries at farming materials mula sa ilang ahensya ng gobyerno noong Lunes, Pebrero 27, 2023.
Ito ay habang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (Dole) at Department of Agriculture (DA) ay nagsagawa ng sabay-sabay na pamamahagi ng tulong para sa ilan sa kanilang mga programa sa Mandaue City Sports and Cultural Complex.
Ang aktibidad ay alinsunod sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cebu para sa groundbreaking ng Cebu Bus Rapid Transit Phase 1 ng Department of Transportation.
May 700 katao ang nakatanggap ng tig-P5,000 mula sa DSWD’s Assistance for Crisis Situation program, kung saan 400 ay mula sa Mandaue City, 200 mula sa Cebu City at 100 mula sa Lapu-Lapu City. Nakatanggap din sila ng grocery pack na naglalaman ng anim na kilo ng bigas, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng kape, at limang sachet ng cereal drink.
Habang dalawampung katao naman ang tumanggap ng nasa P8,000 mula sa DTI’s Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa.
Nagbigay ang DA ng 10 bag ng open pollinated variety ng white corn seeds (20 kilograms each), 10 bags ng genetically modified hybrid yellow corn seeds (10 kg each), information, education and communication campaign materials, at 200 pakete ng buto ng kamatis at talong para sa nasa 149 na benepisyaryo mula sa pitong asosasyon ng mga magsasaka.
Nagbayad din ang DOLE ng tig-P4,350 sa 3,130 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) beneficiaries’ para sa pagtatrabaho sa gobyerno sa loob ng 10 araw.
Samantala sa naging talumpati ni President Marcos tiniyak nito sa publiko ang tulong ng gobyerno. Kasunod nito ay ibinahagi rin niya ang kanyang layunin na magkaroon ng panahon na ang mga Pilipino ay hindi na hihingi ng tulong sa gobyerno dahil mayroon na silang matatag na trabaho, pagkain at permanenteng tirahan.