Nasa kustodiya na ngayon ng Pavia Municipal Police Station ang gunman at isa sa dalawang suspek na pumatay sa Pedikab driver na si Winifredo ‘Dodoy’ Betita na napagkamalan na isang police asset sa Barangay Balabag, Pavia, Iloilo noong Sabado ika-5 ng Oktubre, 2024, ang biktima ay namatay habang ginagamot sa ospital.
Ayon sa panayam kay PMaj Dadje Delima, hepe ng Pavia MPS, kinilala ang suspek bilang alyas Caloy, residente ng Jereos, La Paz, Iloilo City na siyang gunman sa krimen.
Nakatanggap diumano sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant na patungo ang suspek sa Brgy. San Antonio, Molo at Rizal sa Lapuz, Iloilo City.
Agad na inaksyunan ito ng Pavia MPS, humingi sila ng karagdagang puwersa mula sa Intelligence Operative ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU-6), City Drug Enforcement Unit (CDEU), Iloilo City Police Station 1, at Iloilo City Police Station 2.
Binantayan nila ang suspek mula alas-5 ng hapon hanggang ala-una ng madaling araw.
Diumano ay sinubukan pang tumakas nang suspek.
Ang nasabing Gunman ay nahuli ng madaling araw ngayong Martes, ika-8 ng Oktubre, 2024.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang kasama ni Caloy na si alyas Aljun, na siyang driver ng motorsiklong ginamit sa pamamaril ng biktima.
Pinapaigting ng Pavia Municipal Police Station ang kanilang pagsisikap upang tuluyang maresolba ang kasong ito at mapanagot ang lahat ng sangkot.
Patuloy ang kanilang operasyon para mahuli si alyas Aljun.
Hinihikayat ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan at agarang ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung may nalalaman tungkol sa kinaroroonan ng suspek.
Source: PCADG Western VIsayas