Friday, November 15, 2024

HomeNewsGarcia iginiit ang karapatang mabayaran ng DPWH ang paggamit ng mga lote...

Garcia iginiit ang karapatang mabayaran ng DPWH ang paggamit ng mga lote na pag-aari ng Kapitolyo

Iginiit ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na may karapatan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu na humingi ng kompensasyon sa Department of Public Works and Highways sa Central Visayas (DPWH) 7 sa paggamit ng ari-arian nito.

Nauna nang natuklasan na gumamit ang DPWH ng 42,615 metro kuwadrado na bahagi ng lote ng Kapitolyo sa kahabaan ng Osmeña Boulevard sa Cebu City.

Inihayag ni Garcia noong Biyernes, Hulyo 21, 2023, na nabasa niya ang memorandum na pinirmahan ni Undersecretary Anne Sharlyne Lapiz, kung saan nakasaad na hindi babayaran ng DPWH ang mga kalsadang sakop ng proyekto ng gobyerno.

Iginiit ng Undersecretary na ang Kapitolyo ay nagsisilbi lamang bilang “trustees” o tagapangasiwa ng mga lugar na iyon.

Ngunit ipinaliwanag ng mga abogado ng Kapitolyo na ang mga kalsadang patungo sa Cebu Provincial Capitol ay binili ng lalawigan sa isang pribadong kumpanya noong 1930s, at mayroon itong mga titulo na nagpapatunay na ang nasabing mga ari-arian ay pag-aari ng lalawigan.

Binili ng Kapitolyo ang nasabing lupa sa Cebu Heights Company Inc. dahil nais nitong ilipat ang gusali sa mas malaking lugar, ayon sa abogadong si Rory Jon Sepulveda, ang legal consultant ng Kapitolyo.

Batay sa pananaliksik ng Cebu Provincial Engineering Office, 20 metro lamang ang lugar na inilaan para sa pampublikong kalsada.

Gayunpaman, dinagdagan ng DPWH ng dalawang metro ang lapad ng bawat gilid ng kalsada, kaya naging 24 metro ang kabuuang lapad ng mga daanan na ginamit nito.

Nabatid na ang bahagi ng Osmeña Boulevard at N. Bacalso Avenue na pag-aari ng Kapitolyo ay gagamitin para sa pagtatayo ng mga istasyon ng bus rapid transit (BRT).

Ipinahayag ni Sepulveda na posibleng magsampa sila ng pormal na reklamo para humingi ng bayad sa mga lote na pag-aari ng probinsiya.

Ilang business establishment na umano’y nanghimasok sa loteng pag-aari ng Kapitolyo simula sa Fuente rotonda hanggang sa Capitol building sa Osmeña Boulevard ay inutusan na ng pamahalaang panlalawigan na magbayad ng renta mula nang simulan nilang okupahin ang lugar, gayundin ang mga telecommunication company at Visayan Electric.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe