Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Pebrero 21, 2025 ang First 1,000 Days cash grants ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa mga beneficiaryo na buntis o may mga anak na may edad 0-24 na buwan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng 4Ps na nakatanggap ng cash grants sina Irene Fraga at Eugenia Durana mula sa Brgy. 39 Calvary Hill, Tacloban City.
Para kay Irene Fraga, malaking tulong ang F1KD cash grants para sa kanyang pamilya, lalo na para sa kanyang isang taong gulang na anak upang mapabuti ang kalusugan at makapag-avail ng mga serbisyong pangkalusugan.
Ayon naman kay Eugenia Durana, ang F1KD cash grants ay dagdag na tulong upang masuportahan ang pangangailangang pangkalusugan ng kanyang dalawang taong gulang na anak.
Sa Rehiyon ng Eastern Visayas, mayroong 4,592 na aktibong benepisyaryo na kwalipikadong makatanggap ng paunang 4Ps F1KD cash grants.
Sa ilalim ng F1KD na estratehiya, makakatanggap ng Php 350 bawat buwan ang mga kwalipikadong benepisyaryo bilang kapalit ng kanilang pagsunod sa mga kondisyon tulad ng pagdalo sa mga kinakailangang check-up para sa mga buntis at bata, pati na ang pagpapabakuna.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng DSWD ang mga miyembro ng 4Ps na buntis o may mga anak na edad dalawa o mas bata pa na mag-update ng kanilang profile upang makuha ang nasabing tulong pinansyal.
Sa kabilang banda, layunin ng programang ito na masuportahan ang mga mahahalagang pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon sa loob ng unang 1,000 araw, isang panahon na itinuturing na pinaka-kritikal sa buhay ng isang bata.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Municipal Link para sa manual na pag-update gamit ang Beneficiary Updating System (BUS) Form 5 o sa pamamagitan ng i-Registro online portal.
Panulat ni Cami
https://www.facebook.com/share/p/16EaS8NqqS/