Guimaras- Crime of passion ang tinukoy na dahilan sa nangyaring insidente ng pamamaril sa loob ng Guimaras State University Main Campus sa Brgy. McLain, Buenavista Guimaras, nito lamang ika-19 ng Enero 2024, bandang 2:50 ng hapon.
Kritikal na isinugod sa ospital ang mga biktima na sina Ram Arlo Tacubay, lalaki, at kilalang musical director ng Palayag Festival at si Christine Mae Piamonte Y Camago, 22 anyos, babae, estudyante ng GSU, at residente ng Brgy Cabungahan, San Lorenzo Guimaras.
Ang salarin naman ay kinilalang si Zoilo Sereño Y. Quisado, 22 anyos, residente ng Von Ryan St., Barangay 6, Pulupandan, Negros Occidental.
Ayon sa imbestigasyon ng Buenavista PNP, magkarelasyon ang suspek at ang biktimang babae, at nagtungo umano ang suspek sa Guimaras mula sa Negros upang makipagkita sa babae sa GSU main campus. Pagdating sa naturang campus, nakita ng suspek ang karelasyon at ito’y kinompronta dahil sa pahayag nitong pakikipaghiwalay sa kanya.
Ang pagtanggi ng babae at balak na tapusin ang kanilang ugnayan diumano ang nag-trigger sa suspek na barilin ito gamit ang baril na .38 caliber, at pati na ang lalaking biktima na bagong karelasyon ng babae.
Nagtamo ng tama sa ulo ang babae na sinubukan pang isugod sa ospital ngunit kalaunay binawian na ng buhay, samantala ang lalaking biktima ay kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital sa Lungsod ng Iloilo.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Himpilang Buenavista MPS at nakatakdang masampahan kaukulang kaso.