Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Officer-in-Charge (OIC) Eduardo Punay nitong Huwebes, December 29, 2022 ang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa shear line nitong nakaraang kapaskuhan.
Pinangasiwaan ni Punay ang pagbibigay ng tulong pinansyal, sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at family food packs (FFPs) na nagkakahalaga ng Php2.6 milyon sa may 1,030 pamilya sa bayan ng Llorente, Eastern Samar.
Nakatanggap ang bawat pamilya ng Php2,000 cash assistance at isang kahon ng FFP.
Si Punay ay sinamahan ni Assistant Secretary for Visayas Affairs Ma. Evelyn Macapobre at mga pangunahing opisyal mula sa DSWD regional office sa pagbisita sa lalawigan upang suriin ang kalagayan ng mga apektadong pamilya.
Nag-courtesy visit din siya kay Llorente, Eastern Samar Mayor Daniel Boco para pag-usapan ang status ng kanilang disaster response operations dahil isa ang bayan sa mga lugar na tinamaan ng baha.
Samantala, patuloy ang pagbibigay ng DSWD ng augmentation assistance sa mga local government units sa Bicol Region, Visayas, at Mindanao upang matiyak na magkakaroon ng sapat na relief aid ang mga lumikas na pamilya.
Ang mga quick response team ng DSWD sa rehiyon ay tumutulong din sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan sa pagtatasa ng kanilang mga apektadong nasasakupan.
Tiniyak ng DSWD sa publiko na patuloy itong magbibigay ng kinakailangang tulong sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad kahit na sa pagdiriwang ng Bagong Taon.