Ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng 6,482 family food packs (FFPs) sa mga pamilyang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Northern Samar dulot ng Tropical Storm Enteng.
Sa isang pahayag noong Martes ika-3 ng Setyembre 2024, sinabi ni Ms. Jonalyndie Chua, Information Officer ng DSWD Eastern Visayas, na pinapabilis nila ang paghahatid sa mga lokal na pamahalaan na labis na naapektuhan ng pagbaha na dulot ng kamakailang kalamidad.
Ang mga FFPs ay naipamahagi na sa mga apektadong pamilya sa mga bayan ng Allen, Victoria, at Lavezares sa lalawigan ng Northern Samar.
Bawat FFP, na nagkakahalaga ng Php500, ay naglalaman ng anim na kilong bigas, apat na lata ng corned beef, dalawang lata ng tuna flakes, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng kape, at limang sachet ng energy drink.
Mayroong Php4.67 milyong piso na nagastos ang departamento para sa mga food pack at mga non-food items.
“Ang pamamahagi ay tungkulin na ng mga lokal na pamahalaan. Para sa mga releases mula sa DSWD papunta sa mga lokal na gobyerno, ito ay isang sama-samang pagsisikap ng buong gobyerno,” sabi ni Chua sa isang phone interview.
Hanggang noong Setyembre 3, mayroon pang mga relief items na nagkakahalaga ng Php131.20 milyong piso na nakalaan para sa mga biktima ng bagyo sa Eastern Visayas.
“Mayroon nang patuloy na koordinasyon at monitoring ng quick response team ng DSWD upang matiyak na lahat ng apektadong pamilya ay makakatanggap ng tulong kung kinakailangan,” dagdag pa ni Chua.
Ang kalamidad ay nagpalikas ng 27,137 pamilyang naninirahan sa 200 na barangay ng Northern Samar, Eastern Samar, Samar, at Biliran na mga lalawigan.
Panulat ni Cami
Source: PNA