Ang Department of Science and Technology (DOST) regional office ay magbibigay ng mobile command and control vehicle na may triage technology sa local na pamahalaan ng Pintuyan, Southern Leyte, upang mapahusay ang kanilang monitoring at pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay DOST-Eastern Visayas Regional Director John Glenn Ocaña sa isang panayam sa telepono noong nitong Huwebes Agosto 15, 2024, nilagdaan na nila ang isang kasunduan kay Mayor Recarte Estrella ng Pintuyan upang mapalakas ang lokal na pamamahala sa kalamidad sa pamamagitan ng PHP18-milyong mobile technology.
“Ang teknolohiyang ito ay may mga advanced na tampok, kabilang ang isang weather monitoring station, isang rescue quadcopter drone, global satellite communication, surveillance equipment, at mga medical supplies,” ayon kay Ocaña sa Philippine News Agency.
Nasa loob din ng sasakyan ang isang portable boat para sa rescue operations at isang conference room na nagsisilbing mobile command center. Ang solar at wind power capabilities ng sasakyan ay tinitiyak ang tuloy-tuloy na operasyon kahit na may pagkawala ng kuryente.
“Ang sasakyan ay inaasahang makapagpapabuti nang malaki sa kakayahan ng Pintuyan na mag-monitor at tumugon sa mga emergency, isang mahalagang pag-unlad matapos ang pinsalang dulot ng Super Typhoon Odette noong Disyembre 2021,” dagdag pa ni Ocaña.
Ang Pintuyan ay isa sa mga bayan na labis na naapektuhan sa lalawigan ng Southern Leyte noong tumama ang super typhoon, na ikinasawi ng 19 na katao at nagpalikas sa 462,908 na indibidwal sa probinsya.
Magpapalabas ang DOST ng pondo sa lokal na pamahalaan ng Pintuyan para sa pagbili ng custom-made na sasakyan ngayong taon.
Ang unit na ito ay susuporta sa mabilisang deployment ng command center, lalo na sa mga liblib na lugar. Makakatulong din ito sa mabilis na mobilisasyon ng mga resources at pagbibigay-daan sa agarang koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaang nasyonal at lokal na tumutugon sa kalamidad o emergency dahil nagbibigay ito ng real-time updates.
Ang sasakyan na ito ang magiging unang deployment sa Southern Leyte.
Nauna rito, ipinamahagi na rin ng DOST ang isang katulad na mobile command technology sa probinsya ng Eastern Samar.
Panulat ni Cami
Source: PNA