Sa pamamagitan ng Integrated Livelihood Program, nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng 22 surf lesson boards at kagamitan sa apat na surf schools sa Calicoan Island, Guiuan, Eastern Samar nito lamang Oktubre 20, 2025.
Ang mga benepisyaryo ay ABCD Surf Camp, Calicoan Local Surfers, Backyard Surf Co., at Samrayan Surf Boards. Ang proyekto ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Guiuan, Municipal Tourism Office, at PESO upang mapalakas ang kabuhayan at turismo sa surfing.
Ayon kay Konsehal Kinna Kwan, ang proyekto ay nagbibigay ng bagong oportunidad sa mga lokal na surfers at tumutulong sa pagtaguyod ng Guiuan bilang isa sa mga pangunahing surfing destinations sa bansa.
Ang mga surfboard na custom-made ng Fluidsurf ay magpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na surf schools at susuporta sa lumalago pang surf tourism ng Calicoan Island.
Kamakailan, ginanap din sa isla ang Calicoan Odyssey Waves 2025, bahagi ng pambansang surfing competition na dinaluhan ng 152 surfers mula sa 12 lalawigan. Nanguna ang Eastern Samar sa bilang ng mga kalahok, sinundan ng Surigao del Norte at La Union.
Ang naturang kompetisyon ay inorganisa ng Lokal na Pamahalaan ng Guiuan, sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Eastern Samar at Department of Tourism Region 8.
Panulat ni Cami
Source: PNA