Friday, November 22, 2024

HomeHealthDOH nangangamba sa pagtaas ng dengue case sa Eastern Visayas

DOH nangangamba sa pagtaas ng dengue case sa Eastern Visayas

Nangangamba ang Department of Health (DOH) ukol sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue fever sa Eastern Visayas, kung saan naitala ang 13 pagkamatay at 5,730 kaso mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.

Ang kabuuang bilang ng mga kaso sa unang pitong buwan ng taon ay 152 porsyentong mas mataas kumpara sa 2,273 kaso na naitala noong 2023, na may pitong pagkamatay lamang.

Sa 13 na pagkamatay na may kaugnayan sa dengue, dalawa ang mula sa probinsya ng Leyte, dalawa sa Eastern Samar, isa sa Northern Samar, at walo sa probinsya ng Samar.

Naitala ng probinsya ng Leyte ang pinakamataas na bilang ng mga kaso na umabot sa 1,761, kasunod ang Samar na may 1,626, Southern Leyte na may 785, Eastern Samar na may 542, Ormoc City na may 387, Northern Samar na may 283, Tacloban City na may 260, at Biliran na may 86.

“Dahil sa sitwasyong ito, nananawagan kami sa publiko at sa lahat ng lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso at pagkamatay dahil sa dengue,” ayon sa pahayag ng DOH noong Biyernes ika-9 ng Agosto, 2024.

Pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na ipatupad ang mga hakbang sa pagpigil sa dengue sa pamamagitan ng “5S” strategy, lalo na’t nagsimula na ang panahon ng tag-ulan.

Kabilang sa 5S strategy laban sa dengue ang paghahanap at pagsira ng mga pinamumugaran ng lamok, proteksyon sa sarili, agarang konsultasyon, pagsang-ayon sa fogging, at pagsisimula at pagpapanatili ng tamang hydration.

Nanawagan din ang DOH sa pagpapa-aktibo ng dengue brigade sa mga barangay at ang pag-oorganisa ng lingguhang sabayang paghahanap at pagsira ng mga pinamumugaran ng lamok upang mabawasan ang panganib ng pagkalat ng dengue at upang mapataas ang kamalayan ng publiko.

Ang mga taong may nararamdamang sintomas ng dengue tulad ng pananakit ng tiyan, pagdurugo, madalas na pagsusuka, panghihina, o pagkabalisa ay hinihikayat na agad magpakonsulta sa doktor.

Hinimok din ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng kanilang disaster risk reduction and management plan for health, at iba pa.

Ang dengue fever ay karaniwang nagsisimula sa biglaang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, at pananakit sa likod ng mga mata, kalamnan, at kasukasuan. Ang ilan ay maaaring magkaroon ng pantal at iba’t ibang antas ng pagdurugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nanawagan din ang DOH sa mga alkalde ng mga lungsod at bayan na regular na mag-organisa ng mga kampanya sa paglilinis na nakatuon sa pagsira ng mga lugar na maaaring pamahayan ng mga lamok sa kanilang mga nasasakupan.

Panulat ni Cami

Source: PNA

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe