Nagsagawa ang Department of Health (DOH) ng pagsusuri sa kahandaan ng mga ospital sa pagtanggap ng mga pasyente na may blast injuries, holiday-related injuries, at mga non-communicable diseases na dulot ng pagkain ng mga hindi malusog na pagkain.
Ayon kay Catherine Miral, Assistant Regional Director ng DOH Eastern Visayas, kanilang sinusuri ang kahandaan at kakayahan ng mga health facilities ngayong linggo, ilang araw bago ang mga selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
“Sinisigurado namin na handa silang tumugon sa lahat ng mga emergency sa kalusugan at tinitingnan din kung mayroon silang naka-preposition na mga gamot at iba pang supplies. Tinutukoy din namin kung sapat ang bilang ng mga doktor upang tumugon sa mga sitwasyon,” pahayag ni Miral sa isang press briefing noong Miyerkules, ika-18 ng Disyembre.
Ang rehiyon ay may 51 pampublikong ospital at 36 pribadong ospital na matatagpuan sa anim na probinsya.
Samantala, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasan ang sobrang pagkain ng matatamis, maalat, at matatabang pagkain sa dami ng mga salo-salo at reunion ngayong Pasko bilang bahagi ng kanilang kampanyang “Ligtas Christmas.”
Sa kauna-unahang pagkakataon, isasama ng DOH ang pagmamanman ng mga sakit na dulot ng hindi malusog na diyeta at mga holiday-related injuries tulad ng aksidente sa kalsada at kahit ang pambubugbog pagkatapos dumaan sa mga party, bukod pa sa mga pinsalang dulot ng paputok, ayon kay Roderick Boyd Cerro, hepe ng DOH regional epidemiology and surveillance unit.
“Ang kampanya namin ngayong taon ay nagpapaalala sa lahat na may kaakibat na panganib ang labis na pagkain ng hindi malusog na pagkain at ang pagmamaneho pagkatapos uminom ng alak,” ani Cerro.
Inutusan ang mga health facility na magmonitor ng mga kaso ng acute stroke, na nangyayari kapag ang suplay ng dugo sa utak ay napuputol o nababawasan, na nagiging sanhi ng kakulangan ng oxygen at nutrisyon sa mga selula ng utak.
Isa pang kondisyon na dapat bantayan ay ang acute coronary syndrome, isang grupo ng mga kondisyon kung saan bumababa ang daloy ng dugo sa puso.
Ang dalawang non-communicable diseases na ito ay may kaugnayan sa labis na pagkain ng matatamis, maalat, at matatabang pagkain.
Inutusan din ang mga ospital na i-report ang mga kaso ng bronchial asthma, isang sakit na karaniwang nauugnay sa pamamaga ng daanan ng hangin. Isa sa mga trigger ng asthma ay ang paglanghap ng usok mula sa mga paputok at fireworks.
Hinimok din ng DOH ang publiko na maghanap ng mga alternatibong paraan upang gumawa ng malalakas na tunog, tulad ng paggamit ng mga trumpeta, tambuli, musika, at lata, sa halip na magpaputok.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang rehiyon ng 32 kaso ng blast injuries, na mas mataas kumpara sa anim na kaso noong 2022.
Inaasahan ang pagtaas ng mga kasong ito dahil ito ang unang holiday revelry matapos ang tatlong taon ng mga restriksyon dulot ng pandemya.
Panulat ni Cami
Source: PNA