Inilatag na ni Department of Health Secretary Ted Herbosa ang mga prayoridad ng ahensya para sa taong 2024.
Ang plano ng ahensya ay gawing moderno ang primary care center sa mga barangay upang matugunan ang pangangailangan na magkaroon ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap na Pilipino.
Ayon kay Secretary Herbosa, itatayo ang mga ambulatory care centers na may kumpletong medical laboratories para hindi na pupunta ang mga tao ang malalaking ospital.
Idinagdag pa ng DOH Secretary na nitong mga nakaraang taon, posibleng pagbutihin at palakihin ang bed capacities ng mga ospital, kaya target ng ahensyang ito na palakasin pa ang mga health facility sa mga lugar na malayo sa mga regional hospital.
Isa pang prayoridad ng DOH sa taong ito ay ang pagtaas ng immunization rate ng mga batang wala pang 5 taong gulang at bawasan ang porsyento ng malnutrisyon mula 27% hanggang 15%.
Target ng ahensya na pagtuunan ng pansin ang maternal mortality, teenage pregnancy, HIV cases, at non-communicable disease tulad ng altapresyon, problema sa puso, diabetes, at cancer sa ating bansa.