Walang nagawa ang mga residente sa Lot 937 sa Sitio San Miguel, Apas, Cebu City matapos maibaba ang court-order hinggil sa demolisyon ng halos 200 bahay nito lamang Huwebes, Nobyembre 3, 2022.
Mahigit 300 miyembro ng kapulisan ang itinalaga sa lugar upang umagapay sa demolition team, na sinalubong ng mga residenteng naglagay ng mga barikada upang pigilan ang mga clearing crew na makapasok sa lugar.
Noong Oktubre 13, nakatakdang ipatupad ni Sheriff Edilberto Suarin ang demolition order ngunit namagitan ang mga opisyal ng City Hall sa pangunguna ni Mayor Michael Rama na humantong sa pagpapaliban nito.
Nito lamang Huwebes, Nobyembre 3, ang mga residente ay walang magawa at nanonood na lamang habang unti-unting tinitibag ng demolition team ang kanilang mga bahay.
Ayon kay Suarin, nabigyan na ng sapat na panahon ang mga residente para umalis sa lugar mula noong unang inilabas ng korte ang writ of demolition noong 2010.
Saad naman ni Atty. Collin Rosell, Executive Secretary ni Mayor Rama, sa mga mamamahayag na hindi na maaaring makialam ang Pamahalaang Lungsod sa demolisyon dahil pansamantalang restraining order lamang mula sa korte ang maaaring magkapagsuspinde ng aktibidad.
“Ang tungkulin ng Pamahalaang Lungsod ay hindi talaga makisangkot sa kaso, kundi tulungan lamang ang mga walang tirahan at kapus-palad sa paghahanap ng lugar kung saan sila matutuluyan” dagdag pa ni Rosell.