Friday, April 18, 2025

HomeHealthDA pinalakas ang pagmamanman sa mga apektadong lugar ng ASF sa 2...

DA pinalakas ang pagmamanman sa mga apektadong lugar ng ASF sa 2 lalawigan ng Samar

Pinapalakas ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang mga hakbang para masusing subaybayan ang mga lugar sa Northern Samar at Eastern Samar na may mga kaso ng African Swine Fever (ASF).

Ang mga lugar na may aktibong kaso ng ASF ay tinaguriang “ASF red zones” at kinabibilangan ng pitong barangay sa mga bayan ng Bobon, Laoang, at Palapag sa Northern Samar, pati na rin ang Borongan City sa Eastern Samar. Naitala ang mga kaso sa mga lugar na ito sa nakalipas na dalawang buwan.

Kabilang ang mga lugar na ito sa 27 bayan at lungsod sa bansa na may confirmed na ASF cases, ayon kay Vincie Pantonino, isang senior veterinarian ng DA regional regulatory division sa isang panayam nito lamang Abril 8, 2025.

Ayon kay Pantonino, patuloy na bumabalik ang ASF sa rehiyon. “Kaya naming linisin ang isang lugar, ngunit kung ang mga kalapit na lokal na pamahalaan ay hindi maagapan, nagiging dahilan ito ng pagkalat ng sakit,” aniya sa Philippine News Agency.

Sa Northern Samar, naglabas ang pamahalaang panlalawigan ng isang executive order na nagbabawal sa paggalaw ng mga buhay na baboy at mga produktong karne ng baboy sa tatlong bayan upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

Sa Borongan City naman, idineklara ng lokal na pamahalaan ang isang 15-araw na “pork holiday” mula Abril 4 hanggang 18, kung saan ipinagbabawal ang pagkatay, paggalaw, at pagbebenta ng mga produktong karne ng baboy.

Inirerekomenda ng DA ang ilang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng ASF, tulad ng: paglilinis at pagdidisimpekta ng mga sasakyan at kagamitan na ginagamit sa paghahatid ng mga baboy, regular na pagsusuri ng mga baboy ng mga eksperto, pagsisigurado ng kalinisan ng paligid, iwasan ang pagpapakain ng tira-tirang pagkain, at tamang pagtatapon ng dumi ng mga apektadong baboy.

Ang mga lugar na nasa loob ng isang kilometrong radius mula sa isang positibong kaso ng ASF ay inilalagay sa mahigpit na quarantine.

Ang ASF ay isang highly contagious at nakakamatay na sakit na nakakaapekto sa mga baboy. Maaari itong kumalat sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga nahawaang hayop, pati na rin sa pamamagitan ng hindi direktang kontak tulad ng pagpapakain ng tira-tirang pagkain, pagdadala ng baboy, pagpaparami, dumi, at mga insekto tulad ng malalambot na kuto at langaw.

Ang unang kaso ng ASF sa Eastern Visayas ay naitala noong Enero 14, 2021, sa Can-aporong barangay sa Abuyog, Leyte. Bagamat naging ASF-free ang bayan matapos ang 10 buwan, kumalat na ang sakit sa ibang lugar sa rehiyon.

Panulat ni Cami

Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]