Kamakailan ay sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya, Police General Benjamin Acorda Jr. na kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang mga posibleng maidudulot ng paggamit ng social media app na Tiktok sa mga tauhan nito, kaugnay sa mga nagsisilabasang isyu hinggil sa cybersecurity.
Ayon kay Acorda, maaari pa ring gumamit ang kanilang hanay ng Tiktok, ngunit nanawagan ito sa lahat ng PNP personnel na tumalima dapat ang mga ito sa iba’t ibang guidelines at pamantayan na ipinapatupad ng himpilan at higit sa lahat ay irespeto ang kanilang uniporme upang makaiwas sa pagkasira ng imahe ng PNP.
Dagdag pa ni Acorda, pinag-aaralan din nila ang security issue na ipinahayag ng AFP hinggil sa paggamit ng Tiktok sa kadahilanang mayroon daw itong “listening capabilities” na maaaring maka-monitor sa mga aktibidad ng ginagamit na cellphone.
Matatandaang nauna ng naiulat na naging biktima ng cyberattacks ang mga website ng House of Representatives, Senate of the Philippines, Philippine Health Insurance Corp., Philippine Statistics Authority, at ng Department of Science and Technology.
Bagama’t wala pang polisiya ang PNP na ipagbawal ang paggamit ng TikTok sa mga tauhan nito, tinitiyak naman ng himpilan na nasusunod ng hanay ang mga pinapairal na direktiba kaugnay sa tamang paggamit ng mga iba’t ibang social media account.