Plano ng mga malalaking sakahan ng cacao sa Negros Occidental na paramihin pa ang Criollo cacao variety sa buong lalawigan bilang bahagi sa layuning ipakilala sa global market ang Negrense chocolate.
Kabilang sa nabanggit na malalaking cacao farm na nagsimula ng magtanim ng naturang variety ang Lopez family’s CY and Sons Cacao Farms sa Dos Hermanas village sa Talisay City, Negros Occidental.
Kilala ang Criollo beans na isa sa pinakamasarap na cacao variety sa buong mundo dahil sa katangi-tangi nitong aroma, at kakaibang lasa.
Ayon kay Ricardo Dominic Lopez, General Manager ng CY & Sons Group, nais nilang makagawa ng de kalidad at pang-international na tsokolate gaya ng mga chocolate bar mula sa bansang Ecuador.
Dagdag pa ni Lopez. na hinimok din nila ang lokal na pamahalaan na suportahan ang pagpaparami ng Criollo beans, upang mas makikilala pa ang Negros Occidental sa buong mundo sa kakaibang tsokolate nito at makahatak pa ng karagdagang mga international investors.
Nito lamang Enero 26 nagkaroon ng chocolate tasting event sa Bob’s Café, kung saan itinampok si Chloe Doutre-Roussel, isang French national na kilala sa kanyang 35 taong karanasan sa pagawa ng pinakamasarap na cacao at tsokolate. Siya ay regular juror din ng Academy of Chocolate Awards; at ng Steve DeVries, isang private cacao consultant na nakabase sa Colorado, USA.
Kasalukuyan ng nakapagtanim ng 35,000 cacao trees sa mahigit 50-hectare plantation ang CY & Sons Group Company.
Matatandaang nadiskubre sa Negros island ang isa sa tinaguriang rare cacao varieties, iyan ang Criollo variety. Mas nakilala pa ito sa pamamagitan ng Negrense award-winning cacao farmer na si Christopher Fadriga at ng kanilang nanay na si Celina Yanson-Lopez.