Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) Region 7 sa lahat ng kandidato — panalo man o talo — na obligadong magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) bago sumapit ang takdang deadline sa Hunyo 11, 2025.
Ayon kay Atty. Francisco Pobe, direktor ng Comelec 7, may 30 araw ang mga kandidato mula sa araw ng halalan, Mayo 12, 2025, upang isumite ang ulat ng kanilang campaign contributions at gastos. Ang hindi pagtupad sa deadline ay may kaakibat na parusa, kabilang ang posibleng diskuwalipikasyon sa pag-upo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ang SOCE ay isang legal na dokumentong hinihingi sa ilalim ng Philippine election law, partikular sa Section 14 ng Republic Act No. 7166 (Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act). Nakatakda rito na kailangang magsumite ng detalyado, tapat, at kumprehensibong ulat ang lahat ng kandidato at mga treasurer ng partido ukol sa kanilang campaign spending.
Kahit pa umatras sa kandidatura, obligado pa ring magsumite ng SOCE.
Ang mga lalabag sa SOCE requirements ay maaaring pagmultahin ng Php1,000 hanggang Php30,000 sa unang paglabag, Php2,000 hanggang Php60,000 sa mga susunod na paglabag, at posibleng ma-disqualify habambuhay sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, habang ang mga lumabis sa campaign spending ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon.
Giit ni Atty. Pobe, hindi maaaring manumpa at umupo sa puwesto ang mga nanalong kandidato hangga’t hindi sila nakapagsumite ng kanilang SOCE.
Source: EHP/Sunstar