Nag-alok si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ng relocation site sa National Food Authority sa Central Visayas (NFA 7) para mabakante ng ahensiya ang kasalukuyang lokasyon nito sa Gov. M. Cuenco Ave., malapit sa Cebu IT Park, at payagan ang Capitol na gamitin ang prime commercial lot.
Ayon sa Sugbo News, ang social media arm ng Kapitolyo, sinabi ni Garcia kay NFA 7 Director Maria Fe Evasco sa isang pulong noong Lunes, Pebrero 6, 2023 na sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ang gastos sa pagtatayo sa bagong lokasyon na nasa Government Center sa Sitio Sudlon, Barangay Lahug o di naman ay sa loob ng compound ng Department of Agriculture sa M. Velez Street, mga lugar na matatagpuan sa Cebu City.
Tiniyak din ng gobernador sa mga opisyal ng NFA na patuloy silang mag-ooperate sa lumang pasilidad hanggang sa matapos ang pagtatayo ng mga opisina at storage area sa bagong lokasyon.
Sinabi ni Evasco na ang alok ni Garcia ay win-win solution para sa magkabilang panig, bagama’t hindi pa niya ipinapaalam sa NFA Central Office ang usapin, iniulat ng Sugbo News.
Ang kasalukuyang pasilidad ng NFA ay nakaupo sa isang 5,000-square-meter commercial lot.
Aminado si Evasco na dahil sa pagsisikip ng trapiko sa lugar sa tuwing naghahakot sila ng bigas mula sa pantalan gamit ang mga ten-wheeler truck, hindi na mainam ang kasalukuyang pasilidad para sa NFA.
Ang field office ng NFA ay may buffer storage capacity na 100 libong sako ng bigas.
Ang NFA ang pangalawang organisasyon ng gobyerno na hiniling ng gobernador na lumipat sa isang lugar na ibinigay ng Lalawigan kasunod ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines.