Bilang bahagi ng mas pinaigting na seguridad sa lungsod, nagtayo ang Cebu City Police Office (CCPO) ng 30 police outposts sa mga mahalagang lokasyon upang pigilan ang anumang uri ng kriminalidad.
Ayon kay Police Colonel Enrico Figueroa, Acting City Director ng Cebu City Police Office, bawat outpost ay may dalawang nakatalagang pulis isang sentinel na nakabantay at isang pulis na nagpapatrolya sa paligid ng kanilang nasasakupan.
“We deploy these outposts at the critical points in Cebu City. As of now, we have 30 outposts manned by PNP (Philippine National Police) personnel equipped with blinkers, megaphones and radio communications,” pahayag ni Figueroa sa isang panayam noong Biyernes.
Dagdag pa niya, mas mapapabilis ng mga outpost na ito ang pagtugon sa anumang insidente, mas madaling makakalapit ang publiko sa mga awtoridad, at makakatulong ito sa pag-iwas sa krimen sa pamamagitan ng mas mataas na police visibility.
Ang programang ito ay isinagawa sa tulong ng Police Regional Office 7 (PRO7) at ng pamahalaang lungsod ng Cebu.
Samantala, pinuri ni Mayor Raymond Alvin Garcia ang CCPO at PRO7 sa kanilang hakbang upang palakasin ang seguridad sa lungsod, lalo na sa gitna ng tumataas na bilang ng mga maliliit na krimen at upang matiyak ang kaligtasan ng mga botante at kandidato ngayong panahon ng kampanya.
Bilang suporta sa kapulisan, nangako rin si Mayor Garcia na magbibigay ng karagdagang mobile patrol cars, motorsiklo, at surveillance drones upang mapalakas pa ang kampanya laban sa kriminalidad sa Cebu City.
Sa pamamagitan ng mas pinaigting na presensya ng pulisya, umaasa ang pamahalaang lungsod at ang PNP na mas mapapalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga awtoridad at ng komunidad, na siyang pangunahing susi sa mas ligtas at mapayapang bagong Pilipinas.
Source: PNA