Thursday, January 23, 2025

HomeNewsCebu City naglaan ng budget para sa mas malakas na signal ng...

Cebu City naglaan ng budget para sa mas malakas na signal ng wi-fi

Naglaan ng P80 milyong budget ang Management Information and Computer System (MICS) ng Cebu City Government para palakasin ang signal ng cellphone at mobile data sa nasa 80 barangay ng lungsod.

Ayon sa Chairman ng Committee on Information and Communications Technology, City Councilor Edgardo “Jaypee” Labella II, hangad ng hakbang na ito na ayusin ang mga dead spot ng wi-fi sa buong lungsod, lalo na sa mga bulubunduking barangay, na makatutulong sa pagpapabuti ng mga aktibidad sa ekonomiya, edukasyon at mga proyektong nagbibigay ng trabaho sa lungsod alinsunod sa bisyon ni Mayor Michael Rama na maging katulad ng Singapore ang lungsod.

Gagamitin ang budget para makuha ang Next Generation Network (NGN) na ilalagay ng MICS malapit sa mga barangay hall.

Base sa impormasyon mula sa Wikipedia, ang pangkalahatang ideya sa likod ng NGN ay ang isang network ay nagdadala ng lahat ng impormasyon at serbisyo (boses, data, at lahat ng uri ng media tulad ng video) sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa mga IP (Internet Protocol) packet.

Sinabi ni Labella na marami ang makikinabang sa proyekto dahil ang signal ng wi-fi ay maaaring umabot ng hanggang 100 kilometer radius.

“Napansin po namin na maraming dead spot sa mga mountain barangay. Mahalaga po ito (wi-fi signal) para madaling makontak ng ating disaster management personnel ang barangay kapag may sakuna,” saad ni Labella.

Sa Cebu City north district, may mga bahagi sa mga bulubunduking barangay ng Paril, Mabini, Agsungot, Lusaran, Tagbao, Tabunan, Pung-ol, Sinsin, Adlaon, Sirao, Taptap at mga katabing lugar na walang signal.

Sinabi ni Labella na inaasahang sisimulan ng pamahalaang lungsod ang proyekto sa ikalawang quarter ng taong ito matapos ang pagsasagawa ng public bidding na posibleng sa susunod na ilang linggo o buwan.

Sinabi ni Labella na uunahin nila ang paglalagay ng wi-fi sa mga bulubunduking barangay bago pumunta sa mga lowland areas.

Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng 18 buwan.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe