Isa si Cardinal Luis Antonio Tagle, dating arsobispo ng Maynila, sa dalawang nangungunang mapagpilian para maging susunod na Pope, ayon sa ulat ng Catholic Herald nitong Agosto 5, 2022.
Ang isa pa sa mga napupusuan bilang isa sa mga hahalili ay ang Hungarian Cardinal Péter Erdő, na kasalukuyang arsobispo ng Esztergom-Budapest.
Ito’y ayon sa ulat na lumabas sa gitna ng mga haka-haka patungkol sa posibleng pagbibitiw ni Pope Francis, dahil sa kalusugan nito.
Sinabi rin sa ulat na pinaboran din ng Pope ang Italian Cardinal Pietro Parolin, ang kasalukuyang Vatican Secretary of State.
Kamakailan lamang ay itinalaga ni Pope Francis si Cardinal Tagle bilang isa sa dalawampu’t dalawang (22) miyembro ng Vatican City’s Congregation for Divine Worship at The Discipline of Sacraments, na pinamumunuan ni Cardinal-designate Arthur Roche.
Noong 2019, hinirang si Tagle bilang prefect ng Vatican’s Congregation for the Evangelization of Peoples. Dahil dito, mas napalapit si Cardinal Tagle kay Pope Francis, ayon kay Henrietta de Villa, isang dating ambassador ng Pilipinas sa Vatican.
Ayon sa Catholic Herald, ang sinumang maging bagong Pope ay lubos na makakatulong sa paghubog sa Vatican — si Tagle ay kumakatawan sa mas liberal na ruta, habang si Erdő ay nakahanda naman pangunahan ito sa isang mas konserbatibong pamamaraan.