Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong ika-12 ng Setyembre 2024 ng 79 volcanic earthquakes mula sa Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental sa loob ng nakalipas na 24 oras.
Ayon sa PHIVOLCS, umaabot sa 11,556 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinubuga ng naturang bulkan kada araw, senyales ng patuloy na aktibidad nito. Dahil dito, nakataas pa rin sa Alert Level 2 Status sa bulkan, na nangangahulugang may posibilidad ng mas mataas na antas ng aktibidad o pagputok.
Ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa apat na kilometrong (4 km) radius Permanent Danger Zone (PDZ) at mahigpit na ipinag-uutos ang pagbabawal ng pagpapalipad ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o mga phreatic explosions mula sa bulkan.
Patuloy na binabantayan ng ahensya ang mga pagbabago sa aktibidad nito para sa kaligtasan ng publiko.
Hinihikayat ang mga residente sa paligid ng bulkan na manatiling mapagbantay, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at umiwas sa mga ipinagbabawal na lugar upang maiwasan ang posibleng panganib.
Source: Radyo Pilipinas Iloilo
Panulat ni Justine