BACOLOD CITY – Muling itinanghal na Masskara Streetdance Arena Competition Champion ang Barangay Granada matapos itong manalo sa ikaapat na pagkakataon sa katatapos lamang na Masskara Festival street at arena dance competition nitong ika-23 ng Oktubre 2022 sa Paglaum Sports Complex, Bacolod City.
Tinalo ng grupo ang nasa 16 pang mga barangay kung saan napanalunan nito ang top prize na Php1-million cash.
Dumalo sa nasabing kompetisyon si President Ferdinand R. Marcos, kung saan pinuri nito ang lungsod ng Bacolod sa matagumpay nitong pagdiriwang sa 43rd edition ng Masskara festival na nahinto ng dalawang taon dulot ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa kanilang Barangay Captain na si Alfredo Talimodao Jr, “Sipag, tiyaga at disiplina” ang naging susi sa kanilang pagkapanalo.
Nakuha rin nila ang Most Disciplined at Best in Music special awards kung saan may katumbas na tig-Php25,000 cash prize kasama ang FoodPanda’s PauPau’s Choice, na may Php20,000 halaga ng delivery vouchers.
Nasungkit naman ng Barangay Sum-ag ang first runner-up kung saan nakatanggap ito ng Php500,000.00 at karagdagang Php25,000.00 sa pagkapanalo nito bilang Best in Mask and Costume award.
Habang second runner-up naman ang Barangay Estefania, ang siyang defending champion, na nag-uwi ng Php300,000, at Php25,000 para naman sa Best in Theme and Concept.
Kabilang sa iba pang mga nanalo ang Barangay 35 (3rd), Barangay Singcang-Airport (4th), Barangay Tangub (5th), Barangay 31 (6th), at Barangay Alangilan (7th).
Kasama naman sa mga hurado sa nasabing kompetisyon sina Broadcast Journalist Korina Sanchez-Roxas, Concert Queen Pops Fernandez, at aktor na si Derek Ramsay.
Samantala, itinanghal namang kampeon ang Barangay 17 sa ginanap na Electric Masskara float and dance-off competition na ginanap sa Bacolod City Government Center gabi ng Sabado.