Wednesday, December 25, 2024

HomeRebel NewsBangka na lulan ng mga pinaghihinalaang NPA, sumabog sa Catbalogan City

Bangka na lulan ng mga pinaghihinalaang NPA, sumabog sa Catbalogan City

Catbalogan City, Samar- Sumabog ang sinasakyang motorbangka ng mga pinaghihinalaang lider ng NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon at ng mga kasamahan nito matapos maka-engkwentro ang tropa ng pamahalaan nitong Lunes, Agosto 22, 2022 sa Catbalogan City, Samar.

Ayon sa 8th Infantry Division (8ID) ng Philippine Army (PA), hindi pa kumpirmado ang mga ulat kung kabilang ang naturang mga lider sa mga nasawi sa pagsabog ng isang motorbanca na lulan ng mga armadong indibidwal.

Saad pa ni Maj. Gen. Edgardo De Leon, Commander ng 8ID, naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng madaling araw sa baybayin ng Catbalogan City at Buri Island nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) Storm mula sa isang tipster na may sampung mga armadong indibidwal ang sumakay sa isang motorbanca na puno ng mga kahon na pinaghihinalaang mga pampasabog mula sa baybayin sa hilaga ng Calbayog upang makatakas sa mga operasyon ng militar.

“Kaninang madaling-araw, na-alert ‘yung aming scout boats ng Special Forces kasi mayroong report na apparent movement ng grupo ng NPA na papalabas sa dagat”, sabi ni De Leon.

Agad na nagtalaga ang mga awtoridad ng isang pangkat ng mga Special Forces equipped with night vision goggles upang makita ang mga kahina-hinalang indibidwal.

Nang magkasalubong ang dalawang grupo, binalaan pa ng isang sundalo ang mga kahina-hinalang indibidwal sa pamamagitan ng megaphone na isailalim sa inspeksyon ang kanilang mga sarili ngunit sa halip na tumugon, nagpaputok ang mga kalaban patungo sa tropa kaya napilitang gumanti ang mga ito.

Sa kasagsagan ng palitan ng putok, biglang sumabog ang motorized pump boat na sakay ng hinihinalang CTG national personalities at agad na lumubog.

“Hindi namin maano kung deliberately done o tinamaan ng rifle grenade ng tropa. Puro debris na (We cannot determine if it was deliberately done or it was hit by a rifle grenade thrown by the troops. The boat was reduced to debris),” pahayag ni De Leon.

Sinabi din ni De Leon na hindi niya makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek, kung kabilang ba sa mga ito ang mag-asawang Tiamzon.

Gayunpaman, idinagdag niya na “may mga tagapagpahiwatig” na nasa Samar nga ang high-profile couple.

Aniya, noong Marso, inaresto ng militar ang dalawang umano’y miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA Central Committee na kinilalang sina Esteban Manuel at Leonardo Bernardo.

“Those are the incidents na nagbibigay ng indicators na baka nasa Samar ang national leadership so kasama sila Tiamzon couple sa pinagsususpetsahan na nandito sa Samar,” sabi ni De Leon.

Si Benito ay isang consultant ng National Democratic Front. Siya rin ang Vice Chairman, executive committee member, at Political Bureau member ng CPP-NPA-NDF.

Ang kanyang asawang si Wilma naman ay CPP Secretary General, Executive Committee member, at Political Bureau Member ng CPP-NPA-NDF, NDFP negotiating panel national consultant, at ang National Finance Commission Secretary.

Inaresto sila noong Marso 22, 2014 at ikinulong sa CIDG, Camp Crame, Quezon City.

Pinagkalooban sila ng piyansa noong Agosto 2016 alinsunod sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

Gayunpaman, matapos ang pagbagsak ng usapang pangkapayapaan noong 2017, tumanggi ang mag-asawa na sumuko at muling nagtago mula nang iutos ng korte sa Quezon City ang kanilang muling pagdakip noong 2018.

Noong Nobyembre 27, 2020, hinatulan sila ng kidnapping at serious illegal detention kay Lt. Abraham Claro Casis at tatlong iba pang mga sundalo sa Quezon noong 1988, at sinentensiyahan ng hanggang 40 taon na pagkakulong.

Parehong may umiiral na warrant of arrest para sa 15 counts ng murder na inisyu ng RTC Branch 32, Manila, na may petsang Setyembre 14, 2017 sa umano’y 1985 massacre sa Leyte sa mga rebeldeng komunista na pinaghihinalaang mga impormante ng militar, na kilala bilang Inopacan massacre.

Nag-ugat ang akusasyon sa pagkakatuklas ng isang mass grave sa Inopacan na naglalaman umano ng mga biktima ng pagpatay sa Leyte.

Mayroon din silang nakabinbing warrant of arrest para sa frustrated murder na inisyu ng RTC Branch 21, Laoang, Northern Samar noong Enero 12, 2012; at Murder noong Hunyo 10, 2013.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe