Itinanghal na panalo ang Bailes de Luces mula sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental sa ginanap na Chungjang Recollection Festival sa Gwangju, South Korea nito lamang Sabado, Oktubre 15, 2022.
Itinanghal ang grupo bilang Best Foreign Performance sa mahigit 46 na mga kalahok kung saan siyam (9) sa mga ito ang kinabibilangan ng mga foreign performers mula sa iba’t ibang bansa.
Ang Gwangju-Chungjang Recollection Festival ay halos 10 taon ng taunang ginaganap sa South Korea, isa ito sa pinakasikat na selebrasyon sa lungsod ng Gwangju.
Nagpasalamat naman si La Castellana Mayor Rhumyla Nicor Mangilimutan, sa lahat ng mga sumusuporta upang masungkit ng grupo ang tagumpay sa international stage.
Pahayag pa ng alkalde, ang Jeju Tamna Festival ang dahilan kung bakit tumungo ang grupo sa South Korea, ngunit nagkaroon ng aberya sa pagproseso ng kani-kanilang mga visa kaya hindi sila natuloy.
Si Mangilimutan ay miyembro ng Korea-Philippine Festival and Culture Exchange Association, kaya may koneksyon ito sa naturang selebrasyon.
Dagdag pa ni Mangilimutan na layunin din nilang makakonekta sa foreign countries para makalikom ng pondo para sa bayan, kung saan ang Bailes de Luces ang isa sa pinakamagandang paraan upang makahikayat ng foreign investors.