Tinatayang nasa 100,334 residente sa lalawigan ng Negros Occidental ang lubos na apektado sa pananalasa at hagupit ni Bagyong Goring sa loob ng apat na araw.
Iyan ay ayon sa inilabas na datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Ang apektadong mga residente ay mula sa 30, 916 pamilya na nakatira sa 139 Barangay sa 15 bayan mula sa kabuuang 31 Local Government Units ng probinsya, di pa kabilang diyan ang kabisera nito.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa naturang bagyo sa buong lalawigan habang nasa 1,949 pamilya o 7,319 indibidwal ang kasalukuyang nakatira sa mga evacuation center.
Samantala, umabot naman sa 59 kabahayan ang napinsala, kung saan 16 nito ang lubos na nasira at 43 naman ang partially damaged.
Sa agrikultura naman at palaisdaan, tinatayang umabot sa Php116 milyong halaga ang napinsala ng nasabing bagyo sa buong lalawigan.
Patuloy namang inabisohan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa probinsya ang lahat ng mga residente na magdoble-ingat lalo na sa mga binabaha pa ring mga komunidad sa mga posibleng sakit na midudulot nito.