Thursday, November 7, 2024

HomeNewsBagong wage order, ipinatupad sa Region VII

Bagong wage order, ipinatupad sa Region VII

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na simula Oktubre 2, 2024, ipatutupad na ang bagong wage order para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ang Wage Order No. ROVII-2, na nailathala noong Setyembre 16, 2024, ay nagtakda ng pagtaas ng sahod mula P33 hanggang P43 bawat araw sa Rehiyon VII, kabilang ang Negros Island Region (NIR).

Mula sa dating arawang sahod na P468 sa formal sector at P458 sa agricultural at non-agricultural sectors na may mas mababa sa 10 manggagawa sa mga lungsod at bayan na kabilang sa Class A, ang bagong minimum wage ay P501 na.

Ang Class A ay binubuo ng mga lungsod ng Carcar, Cebu, Danao, Lapu-Lapu, Mandaue, Naga, at Talisay, gayundin ang mga bayan ng Compostela, Consolacion, Cordova, Liloan, Minglanilla, at San Fernando, na kilala bilang Expanded Metro Cebu.

Samantala, sa Class B na mga lungsod at bayan, ang arawang sahod ay tumaas mula P425-P430 patungo sa bagong minimum na P463. Kabilang dito ang mga lungsod na hindi kabilang sa Class A, tulad ng Bais, Bayawan, Bogo, Canlaon, Dumaguete, Guihulngan, Tagbilaran, Tanjay, at Toledo.

Para naman sa mga bayan sa Class C, na hindi saklaw ng Class A o B, tumaas ang arawang sahod mula P415-P420 patungo sa bagong minimum na P453.

Ayon kay Lilia Estillore, Regional Director ng DOLE-7, maaaring magpasa ng aplikasyon para sa exemption ang mga negosyo hanggang Nobyembre 30. Ito ay partikular na para sa maliliit na negosyo na may mas mababa sa 10 manggagawa o mga Barangay Micro Business Enterprises na may assets na mas mababa sa P3 milyon.

“Kinahanglan nga ang previous minimum wage gituman nila. Nagtuman sila sa P468 kaniadto kung naa sa Class A, P430 kung sa Class B, ug P420 kung sa Class C. So mao ni nga makwalify kung nagtuman sila sa previous minimum wage nga gi-implement niadtong miaging tuig,” , sabi ni Estillore.

Dagdag pa rito, ang mga establisimiyentong nag-aaplay para sa exemption ay dapat naapektuhan ng kalamidad, natural man o gawa ng tao, sa loob ng anim na buwan bago ang bisa ng bagong wage order. Kung hindi mapagbibigyan ang kanilang aplikasyon, kailangang magbayad sila ng dagdag na 1% interes sa ilalim ng Double Indemnity Law.

Source: Cebu Daily News

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe