Lanit, Jaro, Iloilo — Mahigit 700 na mag-aaral at magulang mula sa Iloilo River Plains Integrated School, Lanit, Jaro, Iloilo ang dumalo sa isang makabuluhang aktibidad na isinagawa ng awtoridad nito lamang ika-20 ng Nobyembre 2024.
Ang programang Awareness Seminar and Symposium on Anti-Bullying ay pinangunahan ng mga awtoridad ng Iloilo City Police Station 3 at Force Multipliers.
Nagbigay ng mahalagang kaalaman para sa mga mag-aaral ang mga tagapagsalita ukol sa Anti-Bullying, na naglalayong turuan sila sa wastong pakikitungo at pag-iwas sa anumang uri ng pambu-bully. Kasabay nito, nagbigay ng seminar para sa mga magulang na may temang “Paano Gabayan ang mga Anak sa Harap ng Bullying”.
Bilang bahagi ng programa, naghandog ang mga mag-aaral ng makulay na dance presentation na ikinatuwa ng mga dumalo. Sa huling bahagi ng aktibidad, namahagi ang mga awtoridad ng libreng bigas sa mga selected students na miyembro ng 4Ps, na nagdulot ng lubos na pasasalamat at galak mula sa mga benepisyaryo.
Sa pangangasiwa ni Principal Alex S. Porras, PhD., naging matagumpay ang programa na naglalayong paigtingin ang kaalaman at pagkakaisa ng mga mag-aaral, magulang, at guro.
Ang tagumpay ng aktibidad na ito ay patunay ng dedikasyon ng mga alagad ng batas sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko para sa kapakanan ng bawat Pilipino, tungo sa Bagong Pilipinas.
Source: PCADG Western Visayas