Nadiskubre ng mga tropa ng 52nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang arms cache na binubuo ng apat na high-powered firearms at apat na ipinagbabawal na anti-personnel mine na nakabaon sa Agsaman village sa Jipapad, Eastern Samar, iniulat ng militar nitong Biyernes, Hunyo 23, 2023.
Kasunod ng pagbubunyag ni alyas Artem, 25, dating political instructor ng New People’s Army (NPA) front committee 3 na sumuko kamakailan, natagpuan ng mga sundalo noong Huwebes ang isang arms cache na may dalawang AK47 rifle, isang M14 rifle, isang shotgun, mga ipinagbabawal na pampasabog, dalawang magazine ng AK47 at M14, 140 rounds ammunition ng AK47, at 75 cartridge ng 7.62mm ball para sa M14.
Ang serye ng mga local peace engagements ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ang patuloy na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pag-unlad ng socio-economic sa komunidad ay nagtulak kay alyas Artem na sumuko noong Hunyo 18, 2023.
Pinuri ni Major General Camilo Ligayo, Commander ng 8th Infantry Division si Artem sa kanyang pagsuko at pakikipagtulungan sa anti-insurgency campaign ng gobyerno.
“We welcome the surrender of alias Artem, and we are hoping that the other members of NPA will also do the same. Hindi pa huli ang lahat para sumuko, bumalik sa batas at gamitin ang iba’t ibang tulong ng gobyerno sa pagsisimula mo ng panibagong buhay,” sabi ni Maj. Gen. Ligayo.
Naniniwala ang opisyal na ibinaon ng mga rebelde ang kanilang mga baril dahil wala silang sapat na mga tauhan para bitbitin ang mga ito.
Makakatanggap si alyas Artem ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa ilalim ng Local Social Integration Program and Enhanced Comprehensive Local Integration Program. Sasailalim din siya sa livelihood training bilang bahagi ng kanyang reintegration process.