Patuloy ang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga ng Police Regional Office 8 (PRO-8) sa pangunguna ni Regional Director PBGen Jason L. Capoy, na nagresulta sa pag-aresto ng apat na drug personalities at pagkumpiska ng tinatayang 30.16 gramo ng shabu na may kabuuang Dangerous Drugs Board (DDB) value na ₱205,088.00 sa iba’t ibang buy-bust operations nito lamang Oktubre 20, 2025.
Sa Ormoc City, nadakip ang suspek na kilala bilang “Ray,” 31 taong gulang, isang laborer at residente ng Brgy. Tambulilid, sa isang operasyon na isinagawa ng Ormoc City Police Station 4 kasama ang Drug Enforcement Unit. Nakuha mula sa naarestong suspek ang pitong (7) sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 22.92 gramo at DDB value na ₱155,856.00.
Samantala, sa Tacloban City, nadakip ang dalawang suspek na sina “Gelly,” 38 taong gulang, residente ng Brgy. 110, Utap, at “Calde,” 45 taong gulang, isang electrician mula sa Brgy. 3, Upper Nula Tula. Nakuha mula sa kanila ang sampung (10) sachet ng shabu na may timbang na 5 gramo at halagang ₱34,000.00.
Sa Macrohon, Southern Leyte, nadakip si “Edwin,” 42 taong gulang, residente ng Brgy. Ichon, sa isang operasyon na isinagawa ng Macrohon Municipal Police Station kasama ang Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit ng Southern Leyte Police Provincial Office (SLPPO). Nakuha mula sa kaniya ang dalawang (2) sachet ng shabu na may timbang na 2.24 gramo at DDB value na ₱15,232.00.
Ang lahat ng ebidensya ay na-markahan at na-inbentaryo sa lugar ng insidente kasama ang mga saksi. Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga naarestong suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Panulat ni Cami
Source: RMN Tacloban