Wednesday, December 25, 2024

HomeNewsAnak ng magsasaka, kinilala bilang Most Outstanding School Head ng DepEd Samar...

Anak ng magsasaka, kinilala bilang Most Outstanding School Head ng DepEd Samar Division

Samar – “Determinasyon at pagpupursigi”, ito ang mga aral sa buhay na kailanman ay laging pinanghahawakan ng isang titser mula sa baryo na kamakailan ay hinirang bilang ‘Most Outstanding School Head in Junior High School’ ng Department of Education (DepEd) sa Sangay ng Samar nitong December 9, 2022.

Ang guro ay kinilalang si Mr. Jacob Badilla, kasalukuyang School Head sa Parasan National High School sa Bayan ng Daram, Samar.

Lingid sa kaalaman ng marami, bago pa man maabot ni Sir Jacob ang mga tagumpay na nakamit niya sa buhay ngayon bilang isang guro, nalagpasan niya rin ang napakaming pagsubok na dumaan sa kanyang buhay.

Anak ng mga magsasaka mula sa baryo ng Valles Bello, Daram, Samar. Dahil sa hirap ng buhay, naranasan noon ni Sir Jacob na tiisin ang kumakalam na sikmura para lamang pumasok sa eskwela.

Sa kabila nito, siya noon ang nanguna sa kanyang klase mula elementarya hanggang high school bilang consistent honor student.

Bagama’t pangarap noon na maging isang abugado, dahil sa kahirapan ay mas pinili nito na tahakin ang landas ng pagtuturo, ito marahil ayon sa kanya ay dahil sa impluwensya ng kanyang dating guro na si Ginang Isolde Calbes kaya pinili na lamang nito na kumuha ng kurso sa edukasyon.

Pagtungtong sa kolehiyo, para mairaos ang pag-aaral ay pinili nitong maging working student para may panggastos sa kanyang pag-aaral. Dahil sa kanyang husay at galing, siya ay nakakuha ng full academic scholarship sa buong apat na taon sa kolehiyo.

Noong 2010, sa edad na 20 siya ay nagtapos sa kursong Batsiler sa Edukasyon Pansekundarya (BSED) major in English at Social Studies sa Samar College bilang Cum Laude. Siya rin ay kumuha ng kanyang kursong Master of Sociology sa Cebu City at nagtapos din ng kanyang Master of Arts in Education (MAEd) major in Educational Management sa Samar College.

Matapos mapalad na pumasa sa board exam at naging ganap Licensed Professional Teacher ay pinili nitong magturo ng mahigit dalawang taon sa kolehiyo.

Pagkaraan nito, siya ay nahirang bilang Classroom Teacher sa DepEd at nagturo sa mga estudyante sa Bayan ng Daram.

Dahil sa kanyang talento at husay sa pagtuturo, siya ay hinirang bilang Reading Clinic Coordinator noong 2012 at kalauna’y naging District Coordinator in English at naging tagapayo sa Campus Journalism kung saan umani sila ng maraming pagkilala mula sa DepEd regional level.

Bilang pagkilala sa kanyang natatanging kakayahan at karanasan, siya ay kasalukuyang Learning Facilitator, Resource Speaker at Trainor sa ilalim ng National Educators’ Academy of the Philippines (NEAP).

Siya rin ay nagkamit bilang Regional Scholar ng DepEd sa ilalim ng programang International Short Program Courses (SEAMEO-INNOTECH) LeadExcels.

Patunay ang karanasan ni Sir Jacob na hindi hadlang ang kahirapan sa buhay para magpursigi at magkamit ng pangarap at maging inspirasyon din sa ibang kabataan.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe