Mag-asawa na umano’y nagpapatakbo ng drug den sa Cebu City, arestado

0
119

Arestado ang isang mag-asawa na umano’y sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga at nagpapatakbo ng isang drug den sa isinagawang buy-bust operation bandang 4:44 ng hapon noong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, sa Sitio Ulap, Barangay Basak Pardo.

Ang operasyon ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 7–Regional Special Enforcement Team, katuwang ang PNP Drug Enforcement Group at Cebu City Police Office.

Kinilala ni PDEA 7 Director III Joel Plaza ang mga suspek sa mga alyas na Mirriam, 37 taong gulang, at ang kanyang asawa na si Jerry, na umano’y kasabwat sa iligal na aktibidad.

Arestado rin ang isang construction worker na kinilalang si Reil, 49 taong gulang, residente ng Barangay Dawis Sur, bayan ng Carmen, matapos mahuling gumagamit umano ng shabu sa loob ng drug den.

Nakumpiska mula sa operasyon ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱102,000.

Narekober din ang buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia na isinailalim na sa pagsusuri sa PDEA 7 Regional Office Laboratory.

Ayon kay Leia Alcantara, tagapagsalita ng PDEA 7, dalawang linggo umanong isinailalim sa case buildup ang mag-asawa matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen ukol sa kanilang iligal na gawain.

Batay sa impormasyong nakuha, sinasabing nakakapagbenta ang mag-asawa ng 20 hanggang 30 gramo ng shabu kada linggo mula sa kanilang supplier.

Sa ilalim ng batas, ang sinumang mapatunayang nagpapatakbo ng drug den ay maaaring makulong habangbuhay at pagmultahin ng ₱500,000 hanggang ₱10 milyon.

Samantala, ang mga mahuhuling nasa loob ng drug den ay maaaring makulong ng 12 taon at isang araw hanggang 20 taon, at pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱500,000.

Source: AYB/Sunstar