Search and Rescue sa 2 indibidwal na naanod sa baha sa Sebaste Antique, nagpapatuloy

0
129

Patuloy na pinaigting ang paghahanap ng mga awtoridad sa dalawang lalaki matapos anurin ng malakas na agos ng baha dulot ng hagupit ng hanging habagat sa probinsya ng Antique ngayong ika-30 ng Hulyo, 2025.

Matatandaan noong July 17 naiulat ang dalawang indibidwal na tinangay ng baha sa Brgy. Bacalan, Sebaste, Antique.

Kinilala ang mga nawawala bilang sina Leonardo Alobog at Allan Zona, kapwa 30 taong gulang at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon, inanod ang dalawa matapos ang biglaang pagtaas ng tubig dulot ng malakas na ulan na pinalala pa ng hanging habagat.

Ayon kay Mr. Ernesto Galido, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sebaste, Antique hindi na nagawang makaligtas ng dalawa sa rumaragasang baha.

Isinagawa na ang aerial search and rescue operation ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katuwang ang Office of Civil Defense (OCD), Philippine Air Force (PAF), Philippine Coast Guard (PCG), at MDRRMO ng Sebaste.

Sakop ng paghahanap ang mga kalapit na bayan ng Anini-y at Libertad, ngunit hindi pa rin natatagpuan ang dalawang lalaki.

Hinihikayat din ang publiko, lalo na sa mga kalapit na komunidad, na agad i-report ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa pagtunton kina Alobog at Zona.

Nagbigay rin ng paalala ang mga awtoridad sa publiko na maging alerto at ligtas, lalo na sa kasagsagan ng masamang panahon.

Source: Radyo Pilipinas Iloilo