Isang pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental ang naganap kaninang madaling araw, ika-13 ng Mayo 2025, bandang alas-2:55 ng umaga.
Ayon sa DOST-PHIVOLCS, tumagal ng limang minuto ang naturang pagsabog na nagresulta sa pagbuga ng makapal na abong ulap na umabot sa tinatayang 4.5 kilometro ang taas mula sa bunganga ng bulkan. Narinig ang malalakas na ugong ng pagsabog sa mga kalapit na barangay gaya ng Brgy. Pula sa Canlaon City, Negros Oriental at sa La Castellana, Negros Occidental.
Batay sa visual at thermal camera monitoring, nakita ang mga nagliliyab na pyroclastic density currents (PDCs) na bumaba sa timog na dalisdis ng bulkan sa layong hanggang dalawang kilometro mula sa bunganga.
Malalaking bato o ballistic fragments ang naibuga rin at bumagsak sa paligid ng bunganga, na nagdulot ng pagkasunog ng mga halaman sa tuktok ng bulkan. Naiulat rin ang manipis na ashfall sa ilang barangay sa Negros Occidental, partikular sa La Carlota City (Cubay, San Miguel, Yubo, at Ara-al), Bago City (Ilijan at Binubuhan), at La Castellana (Biak-na-Bato, Sag-ang, at Mansalanao).
Dahil dito, itinaas sa Alert Level 3 ang kalagayan ng Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang may magmatic unrest at mas mataas ang posibilidad ng mga panandaliang, katamtamang lakas na pagsabog na maaaring magbunga ng mapanganib na panganib sa mga mamamayan.
Mahigpit na pinapayuhan ang mga residente sa loob ng anim (6) na kilometrong danger zone na manatiling lumikas dahil sa panganib ng PDCs, malalaking bato, ashfall, rockfall, at iba pang kaugnay na hazard.
Pinapaalalahanan din ang mga mamamayan na nakararanas ng ashfall na gumamit ng facemask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo, lalo na ang mga matatanda, may sakit sa puso o baga, buntis, at mga sanggol.
Pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na maghanda sa posibleng paglala ng sitwasyon at agarang lumikas kung kinakailangan. Pinag-iingat din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil mapanganib ang abo sa mga eroplano.
Bukod dito, pinapaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag sa posibleng pagdaloy ng lahar lalo na kung uulan habang may aktibidad ang bulkan.
Patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang kalagayan ng Bulkang Kanlaon at agad na magbibigay ng mga abiso sa anumang pagbabago sa aktibidad nito.
SOURCE: DOST-PHIVOLCS