Mahigit Php8 milyon na halaga ng hindi nabayarang amortisasyon sa lupa ang nabura para sa mga Benepisyaryo ng Repormang Pansakahan (ARBs) sa Samar, matapos ang dalawang araw na sabayang pamamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM).
Ipinagkaloob ng DAR Region 8 ang 690 COCROM at 100 Certificate of Land Ownership Award (CLOA), na sumasaklaw sa kabuuang 728.3497 ektarya ng lupang pansakahan sa mga lungsod ng Catbalogan at Calbayog, at sa 16 na bayan sa lalawigan ng Samar.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa tulong na ito mula sa Pangulo na nag-alis sa amin ng pasaning pinansyal. Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa ating pamahalaan, lalo na kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos,” pahayag ni Juliana Cabubas, isa sa mga benepisyaryo na nabigyan ng condonation para sa kanyang 1,893-square meter na lupang sakahan na iginawad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa isang pahayag nito lamang Mayo 3, 2025.
Pinangunahan ang sabayang pamamahagi ng mga sumusunod na opisyal ng DAR: si PARPO II Segundino Pagliawan sa mga bayan ng Basey, Marabut, Pinabacdao, Sta. Rita, at Villareal; si Land Tenure Improvement Division Chief Lucena Mancol sa mga bayan ng Gandara, San Jorge, Sta. Margarita, at Tarangnan; at si PARPO I Josefina Amande sa Jiabong, Daram, Zumarraga, Hinabangan, San Sebastian, Motiong, Paranas, at sa Lungsod ng Catbalogan.
Naging posible ang malawakang pagkakansela ng utang sa pamamagitan ng Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act, na nagpapawalang-bisa sa hindi nabayarang prinsipal na amortisasyon, interes, at multa para sa mga lupang iginawad sa ilalim ng repormang agraryo.
Bukod dito, 92 ARBs ang nakatanggap ng CLOA, kabilang ang 87 indibidwal na e-titles sa ilalim ng World Bank-funded Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project. Limang benepisyaryo rin ang tumanggap ng CLOA para sa mga bagong iginawad na lupang pansakahan.
Sa pamumuno ni Kalihim Conrado Estrella III, patuloy ang dedikasyon ng DAR sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng makatarungang pamamahagi ng lupa at pagbibigay ng katiyakan sa pagmamay-ari nito.
Source: PNA