Tanging mga establisyamentong accredited mula sa Department of Tourism (DOT) ang maaaring makakuha ng exemption mula sa nationwide liquor ban na ipapatupad sa darating na pambansa at lokal na halalan sa Mayo 2025.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Regional Director Francisco Pobe, kahit mabigyan ng exemption ang mga DOT-accredited establishments, limitado lamang ito sa mga turista. Bawal pa rin ang lokal na residente na uminom sa mga nasabing lugar.
“Local residents are not allowed to drink even in exempted establishments,” diin ni Pobe.
Base sa Comelec Resolution No. 11057, ipapatupad ang liquor ban sa Mayo 11 at 12, 2025. Sakop nito ang lahat ng indibidwal at mga establisyemento gaya ng mga hotel, resort, restaurant, at bar.
Layunin ng resolusyong ito na maiwasan ang mga insidenteng dulot ng pag-inom ng alak na maaaring makaapekto sa maayos na pagdaraos ng halalan.
“The purpose is to preserve the sanctity of the electoral process and maintain peace and order. Alcohol-induced disruptions could affect the proceedings and disturb the tranquility of voting areas,” dagdag pa ni Pobe.
Sa Mandaue City, dalawang establisyemento — isang bar at isang hotel — ang lumapit sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) para magtanong ukol sa exemption. Ayon kay BPLO Inspection Division Head Walter Shane Lumbre, hindi sila nagbigay ng anumang permit para rito.
“Sa BPLO, hindi kami nagbibigay ng lisensya o exemption para sa liquor ban. Tanging ang Comelec lamang ang may kapangyarihan dito,” paliwanag ni Lumbre.
Binigyang-diin ni Lumbre na hindi maaaring mag-isyu ang BPLO ng sariling guidelines kaugnay ng exemption sa liquor ban at dapat sumunod sa itinakdang proseso ng Comelec.
Upang makonsidera para sa exemption, kinakailangang makakuha muna ang establisyemento ng DOT certification at magsumite ng formal na aplikasyon sa online platform ng Comelec, gamit ang tamang kategorya para sa liquor ban exemption.
Binalaan naman ni Pobe ang mga lalabag na maaari silang maharap sa kasong kriminal.
Hindi lamang ang mga may-ari ng establisyemento kundi pati ang mga taong bibili o iinom ng alak ay maaaring papanagutin.
Pinapayuhan ang lahat ng negosyo na pag-aralan mabuti ang liquor ban guidelines at siguraduhing sumusunod bago mag-apply para sa exemption.
Source: CAV/Sunstar