Kinilala ng Department of Agriculture ang 39 na sakahan sa Eastern Visayas na pumasa sa Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP), na layong magbukas ng mas magagandang oportunidad sa merkado.
Ang 39 na sakahan ay kabilang sa unang batch na nakakuha ng sertipikasyon mula sa gobyerno base sa mga pamantayang tumitiyak sa kaligtasan ng pagkain, pangangalaga sa kalikasan, kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa, at kalidad ng ani.
“Ang PhilGAP certification ay garantiya ng kaligtasan ng pagkain mula bukid hanggang sa hapag. Sa GAP, sinusunod natin ang tamang paraan ng pagsasaka – mula paghahanda ng lupa, paggamit ng pestisidyo, hanggang sa pag-ani, na siyang magpoprotekta sa mga magsasaka at mamimili,” ayon kay DA senior agriculturist Randy Dante, sa isang pahayag nito lamang Abril 11, 2025.
Sa 39 na sakahan, 35 ay nasa Leyte at tig-iisa naman sa mga lalawigan ng Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.
Hinikayat ni Dante ang mga lokal na magsasaka na samantalahin ang libreng proseso ng sertipikasyon. Kailangan lamang nilang bumisita sa kanilang lokal na tanggapan ng agrikultura o sa kinatawan ng DA sa kanilang lugar upang makapagsimula.
Binigyang-diin din niya na mataas ang pamantayan ng PhilGAP alinsunod sa batas, at maaaring maging hamon ito para sa ilang magsasaka.
“Mataas ang standard dahil nangangailangan ito ng tamang espasyo o pasilidad, at kailangang may hindi bababa sa apat na buwang tala at pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng produksyon sa sakahan.”
Ang PhilGAP ay sertipikasyon para sa mga pananim na pangunahing layunin ay para sa pagkaing-konsumo.
Ang programa ng sertipikasyon ay pinangungunahan ng Bureau of Plant Industry sa tulong ng mga regional field office ng DA upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng pagkain, habang binibigyang-diin din ang pangangalaga sa kalikasan at kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga manggagawa.
Panulat ni Cami
Source: PNA