Saturday, April 19, 2025

HomeTechnologyP700-M Puhunan, ilalaan sa Coconut Industrial Park sa Northern Samar

P700-M Puhunan, ilalaan sa Coconut Industrial Park sa Northern Samar

Naglaan ng paunang puhunan na Php700 milyon ang mga mamumuhunan para sa pagtatayo ng 3.5-ektaryang coconut industrial park na layong paunlarin ang pangunahing produktong agrikultural ng lalawigan.

Ayon kay Jhon Allen Berbon, pinuno ng Provincial Economic Development And Investment Promotions Office, sa isang pagpupulong, sinabi ng mga investors na sina Stephen Chen at Alex Lao na ang unang bahagi ng proyekto ay mangangailangan ng Php200 milyong puhunan, habang Php500 milyon naman ang nakalaan para sa ikalawang yugto.

Aniya, 60 porsyento ng paunang puhunan ay ilalaan sa imprastruktura, habang ang natitirang 40 porsyento ay hahatiin sa manpower at operational expenses, tig-20 porsyento bawat isa.

“Layunin ng itatayong industrial park na maging isang komprehensibong pasilidad para sa pagpoproseso, produksyon, at pag-export ng mga produktong mula sa niyog tulad ng coconut water, milk, oil, charcoal, at fiber, na mangangailangan ng 300,000 piraso ng niyog kada araw. Sa unang bahagi ng proyekto, uunahing itayo ang mga pangunahing imprastruktura, kumuha ng mga manggagawa, at simulan ang operasyon,” ani Berbon sa isang panayam sa telepono nitong Huwebes, Abril 10, 2025.

Ang iminungkahing industrial park na itatayo sa bayan ng Bobon ay nakatuon sa pagpoproseso, paggawa, at pag-export ng mga produktong mula sa niyog. Kailangan ng 5,000 ektarya ng taniman ng niyog upang suportahan ang operasyon ng pasilidad.

“Ang lalawigan ng Northern Samar ay itinuturing na isang estratehikong lokasyon para sa proyektong ito dahil sa malawak nitong taniman ng niyog, na may taunang ani na nasa pagitan ng 350,000 hanggang 400,000 metriko tonelada mula sa 84,000 ektarya ng lupang nakalaan sa pagsasaka ng niyog,” ani Berbon.

Ang Northern Samar ay ika-18 sa pinakamalalaking prodyuser ng niyog sa Pilipinas, na may ani na 315,000 metriko tonelada noong 2023, ayon sa Philippine Coconut Authority.

Dagdag pa ni Berbon, sa kabila ng malaking produksyon ng niyog ng lalawigan, kakaunti pa rin ang mga negosyo sa industriya, na binubuo lamang ng isang oil mill, isang coco sugar producer, dalawang virgin coconut oil producers, at tatlong coco coir producers.

Mayroong 86,000 rehistradong magsasaka ng niyog sa lalawigan, kabilang ang mga may-ari ng lupa, manggagawa, at mga tenant.

Panulat ni Cami

Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]