DUMAGUETE CITY- Siyam na grupo ng kalalakihan ang naitatag sa anim na lokal na pamahalaan sa Negros Oriental bilang bahagi ng pagsisikap na wakasan ang karahasan laban sa kababaihan.
Ayon kay Onna Rhea Quizo, Executive Director ng Gender Watch Against Violence and Exploitation (GWAVE), ang mga grupong ito ay sumailalim sa pagsasanay at patuloy na ginagabayan ng mga organisasyong pang-adbokasiya upang higit pang mapalakas ang kanilang tungkulin sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan.
Sa isang Kapihan sa PIA forum noong Miyerkules, ipinaliwanag ni Quizo na ang inisyatiba ay bunga ng obserbasyong mas epektibong naipaparating ang mensahe tungkol sa karapatan ng kababaihan kung kapwa kalalakihan ang nag-uusap hinggil sa naturang usapin.
“We saw the tool that men talking to men is more effective because who else would be better to encourage men to be part of the advocacy than men themselves,” pahayag ni Quizo.
Ang unang grupo ay naitatag sa Amlan ilang taon na ang nakalipas, na kalaunan ay sinundan ng pagtatatag ng kahalintulad na mga grupo sa mga bayan ng Valencia, Dauin, San Jose, Manjuyod, at sa lungsod ng Dumaguete. May ilang lokal na pamahalaan pa ang may mahigit sa isang grupo.
Sa kasalukuyan, may 160 kasapi na aktibong lumalahok sa mga aktibidad ng grupo. Sumusunod sila sa isang itinakdang module kung saan tinatalakay ang iba’t ibang anyo ng karahasan laban sa kababaihan, kalusugang reproduktibo kabilang ang vasectomy, at positibong pagkalalaki.
Bilang bahagi ng kanilang pagsasanay, maaaring gumanap bilang facilitators ang mga miyembro sa mga seminar, forum, at iba pang aktibidad na may layuning itaas ang kamalayan at hikayatin ang mas maraming kalalakihan na maging katuwang sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan.
Source: PNA