Thursday, March 13, 2025

HomeTechnologyPagpapalakas ng supply ng kuryente sa Negros Oriental, patuloy na isinasagawa ng...

Pagpapalakas ng supply ng kuryente sa Negros Oriental, patuloy na isinasagawa ng NGCP

Mahigit kalahati na ang natatapos sa isinasagawang reconductoring ng mga transmission line upang maghatid ng mas maraming kuryente mula sa Amlan 69kV sub-station sa Amlan, Negros Oriental, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nitong Martes.

Ayon kay Michelle Visera ng NGCP-Visayas, nasa 58 porsyento na ang natapos ng kanilang linemen sa isinagawang mga scheduled power outage noong Pebrero 16 at Marso 9 sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Negros Oriental II Electric Cooperative (NORECO II).

Plano ng NGCP na tapusin ang proyekto sa susunod na power interruption sa Marso 22. Ngunit kung hindi ito matatapos sa nasabing petsa, magpaplano pa ng isa pang shutdown sa Abril 6 upang bigyang-daan ang natitirang gawain.

Ang isinagawang reconductoring o pagpapalit ng mas malalaking kable sa transmission lines ay isang pansamantalang hakbang upang maiwasan ang posibilidad ng Manual Load Shedding (MLD) sa Amlan sub-station, lalo na kapag tumaas ang demand sa kuryente.

Sa kasalukuyan, nasa kritikal na antas na ang 69kV line dahil sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan ng kuryente, partikular na sa lungsod ng Dumaguete.

Bilang pangmatagalang solusyon sa tumataas na demand, tinutukan ng NGCP ang konstruksyon ng Amlan-Dumaguete 138kV line. Gayunman, may pagkaantala ito dahil sa nagpapatuloy na negosasyon sa ilang may-ari ng lupa na tatamaan ng proyekto.

Kabilang sa mga apektadong lugar ng isinagawang 13-oras na brownout ang mga bayan ng San Jose, Sibulan, Valencia, Bacong, Dauin, Zamboanguita, at Siaton, pati na rin ang Dumaguete City.

Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe