Panglao, Bohol – Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa isang kontrobersyal na checkpoint matapos mag-viral ang isang video ng marahas na pag-aresto sa isang motorista.
Sa video na kumalat noong Pebrero 28, makikita ang 59-anyos na si Erifredo Velasco, isang magsasaka, na pinadapa at hinawakan ng apat na LTO agents matapos matagpuan ang dalawang kutsilyo sa kanyang katawan.
Maririnig siyang nagsusumamo, “Farmer ko, sir! (Magsasaka ako, sir!)” habang siya ay dinadakip.
Ayon sa Panglao Police Station, inaresto si Velasco dahil sa umano’y pag-abala sa operasyon ng LTO matapos niyang isigaw, “Mga pobre ra’y dakpon ninyo! (Mga mahihirap lang ang hinuhuli ninyo!).”
Sinasabing nakita rin ng LTO agents na tila hinuhugot niya ang isa sa mga kutsilyo, kaya’t siya ay dinampot.
Bilang tugon, agad na sinuspinde ng DOTr at LTO 7 ang mga sangkot na tauhan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Humingi rin ng paumanhin ang LTO 7 sa publiko at pansamantalang sinuspinde ang lahat ng law enforcement operations sa Bohol.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may pag-abuso sa kapangyarihan ang mga LTO agents sa insidenteng ito.
Source: Sunstar Cebu